


Salamat...ngayon ko lang nalaman kung gaano ka loyal ang labandera ko, hindi ako iniwan sa gitna ng bagyo at baha.
8:30 ng umaga nag umpisa ng tumaas ang tubig, sabi ko ah hindi naman pumapasok ang tubig sa loob ng apartment kaya ayos lang, relax lang, pero ang bilis parang sunog bigla na lang nasa loob na ng bahay para kang hinahabol.
Wala kaming nagawa kung hindi mag akyat ng ilang gamit na kaya naming buhatin. Nang nasa tuhod ko na ang tubig sabi ko "manang, tama na akyat na tayo" sagot nya "hindi kailangan iakyat ang washing machine". Ngayon ko lang naisip kasi yun ang ginagamit nya para makapaglaba kaya kailangan naming maiakyat. Kaya pinagtulungan namin.
Namatay na ang kuryente, hanggang papataas na ng papataas ang tubig, umabot na sa pang apat na baitang ng hagdanan paakyat. Hindi ko ipinahahalata sa kanya na medyo natatakot na ako, paano na kung umabot sa itaas? ano? aakyat kami sa bubong? paano kung walang mag rescue? kung makakapili ako, ayokong malunod at magpalutang lutang at idescribe ng mga reporters na may nakuhang magandang babae!!!! oh my gosh!!!!
Gabi na at lahat ng kandila pati kandila ng mga inanak ko sa binyag ay nagamit na namin. Tsaka lang namin naisip na wala pala kaming naiakyat na pagkain. At kung naiakyat man ang mga de lata, paano namin bubuksan? eh lumulutang na ang abrelata sa ibaba?
Naalala ko ang isang box ng chocomallows na binili ko nung gabi. Binuksan ko, anim ang laman, naghati kami tig tatatlo. Mabuti na lang at may dalawang boteng mineral water kaya may nainom kami. Kinain ko ang tatlong mallows at kumain din sya.
Hindi ako nakakaramdam ng gutom sa totoo lang pero kailangang kumain.
10:00 ng gabi nang nakaramdam ako ng gutom, sabi nya heto yung isang mallows ko hindi ko kinain hati tayo. Habang binubuksan nya ang chocomallows napagmasdan ko ang kanyang mga kamay, kamay ng masipag at pagal na sa paglalaba. Matagal na syang naglalabada sa akin mahigit labinlimang taon na. Pero ngayon lang kami nagkasama ng matagal at nagkaroon ng pagkakataong magkwentuhan tungkol sa mga buhay buhay.
Hinati nya ang mallows at inabot sa akin, sabay sabi ng "alam mo mas masarap ang buhay ko dito kasi kung nasa amin ako malamang na nasa itaas na ako ng bubong kasi mas mataas ang baha duon".Samantalang ako naman ng mga oras na iyon ay naaawa na sa aking sarili dahil ngayon ko lang naranasan iyon buong buhay ko.
Nang hindi pa tumitigil sa pagbuhos ang ulan sabi nya sa akin "kapag kinakailangan ng lumikas sumama ka na sa mga kapitbahay at iwanan mo na ako" Ha? tanong ko-"nakahanda na akong mamatay 78 years old na ako" Sa loob loob ko aba nag da drama.
Sinagot ko sya "manang ako hindi pa nakahandang mamatay" natawa sya.
Hanggang bigla na lang naming napansin na unti unti ng tumitila ang ulan at
tumahimik ang lugar.
Alas dos na pala ng madaling araw. At ng silipin namin ay unti unti na ngang bumababa ang tubig. Kaya sabi ko sa kanya "manang pwede na tayo umidlip hindi na siguro aakayat ang tubig huminto na ang ulan" sagot nya "hindi tayo matutulog, halika bumaba na tayo kailangan na nating maglinis ng bahay"
Hindi ko na kayang ikwento pa ang paglilinis na ginawa namin mula alas dos ng madaling araw hanggang alas sais ng gabi kinabukasan. At hindi ko na rin kayang ulitin ang pagbubuhat ng washing machine, sofa at ang paghabol sa mga unan at stuffed toys ko.
At hindi ko na rin kayang idescribe pa ang mga nakita ko ng nagliliwanag na sa aming lugar. Nakakalungkot man, gusto kong pagtuunan ng pansin ang magandang naidulot nito sa akin.
Salamat Ondoy nakapag bonding kami ni manang...









kung hindi dahil sa baha hindi mo pa siya makakakwentuhan nang matagal. saludo ako kay manang at sa libo pang manang na katulad nya!
ReplyDeletesayang kotse mo. ano balak mo dyan ngayon?
pero natawa ako "isang magandang babae ang natagpuang palutang-lutang" hehe!
This comment has been removed by the author.
ReplyDeleteeach of us has his own account of what happened during the last tragedy that hit the Philippines.
ReplyDeletenakakatuwang malaman na maraming kani-kanyang survivor stories ang bawat isa sa atin.